Limang Dekada ng Reyna

Limang Dekada ng Reyna

Isa itong special edition ng ANB para sa V Mag at dahil ang theme ng V Mag ay nostalgia eh balikan natin ang limang dekada ng pagiging aktres sa tunay na kahulugan nito at isang mahusay na public servant ng ating pinakamamahal na idolong si Governor Vilma Santos.

Early ’60s nang magsimulang maging artista si Vi. Sa murang edad na siyam na taon ay nanalo agad siyang Best Child Actress ng FAMAS para sa kanyang unang pelikulang Trudis Liit. Dahil sa naging matagumpay ang kanyang unang pelikula kaya’t ito ay nasundan pa ng mga pelikulang Ging, Anak Ang Iyong Ina at marami pang iba. Nagpatuloy ang kanyang pagiging artista hanggang sa siya ay maging teenager na. Karaniwan na, sa mga artistang sumasapit sa alanganing edad ay humihinto muna sa paggawa ng pelikula subali’t sa kaso ni Vi, ito ay hindi nangyari. Gumawa pa rin siya ng mga pelikulang katulad ng Batang Iwahig, Ito Ang Pilipino, De Colores, Kasalanan Kaya?, Pinagbuklod ng Langit at Iginuhit ng Tadhana. Itinatambal pa siya noon kay Jay Ilagan. Noong huling bahagi ng Dekada ’60 hanggang sa pagpasok ng Dekada ’70 ay isinilang ang rivalry nila ni Nora Aunor. Sinasabing si Vi ay poor second lang kay Nora dahil noong panahong yun ay talagang malakas ang hatak ni Nora sa takilya dahil na din siguro sa mas marami siyang kasanggang movie writer at pinag-uusapan ang kanyang bawa’t kilos. Si Inday Badiday pa nga ay nagkaroon ng Operation Kumbento at si German Moreno naman ay ang Guy & Pip portion sa DZTR kung saan puro mga awitin ni Nora at Tirso ang kanyang pinapatugtog sa loob ng isang oras.

Samantala, hindi naman nagpahuli si Vi dahil kung merong pan de Nora, meron ding pan de Vilma. Kung merong Maria Leonora Theresa (isang manika) si Guy at Pip, may Honey (isang aso) sina Vi at Bot. Meron ding Superstar Magasin si Nora, si Vi naman ay Movie Queen Vilma Santos Magasin. Although hindi singer si Vi, nagkaroon siya ng dalawang Golden Record award mula sa mga awi-ting Sixteen at Palung-Palo Ako. Sa 1972 Quezon City Film Festival, ang “Dama de Noche.” na dinerek ni Emmanuel H. Borlaza ni Vi at ang “And God Smiled At Me” ni Nora ay ilan lang sa mga kalahok na pelikula. Sa programa sa radyo ni Helen Vela sa DZTR ay nasabi niya na sa kanyang palagay ay si Vilma Santos ang tatanghaling Best Actress subali’t hindi ito nangyari dahil si Nora ang itinanghal na Best Actress pero nang sumunod na taon ay vindicated si Vi dahil siya naman ang napiling Best Actress ng FAMAS ka-tie si Boots Anson Roa para sa pelikulang Tatay Na Si Erap. Si Celia Rodriguez pa nga ang naging presentor ng Best Actress Award at ganito ang naging linya niya:.”and the winner for Best Actress is Boots Anson Roa…and the lady of Dama de Noche, Vilma Santos!”

Sa 1973 Quezon City Film Festival, ang Ikaw Lamang ng Virgo Productions ang ipinanlaban ni Vi. Katambal niya si Paolo Romero (anak ni Liza Moreno) na nabalitang nanligaw din kay Vi at ito ay sa direksiyon ni Luis Enriquez aka Eddie Rodriguez. Ang pelikulang ito ang itinanghal na Best Picture (noong taong yun ang nanalong Best Picture ay nanalo na rin ng lahat ng acting at technical awards). Nang ginawa ni Vi ang Lipad Darna Lipad ay dito na nagbago ang ihip ng hangin. Nilampaso niya ang pelikula ni Fernando Poe, Jr. na may pamagat na Esteban at nang sumunod na linggo naman ay ang pelikula ni Nora at Joseph Estrada na Erap is My Guy. Ginawa rin nya ang pelikulang Dyesebel at Ang Mahiwagang Kabibe na ipinalaban pa sa Metro Manila Film Festival at ito ay naging box-office hit din sa takilya. Si Vi lamang ang tanging artistang nakaganap sa dalawang klasikong nobela ni Mars Ravelo na Darna (apat na beses via Lipad Darna Lipad, Darna Vs. The Planetwomen, Darna & The Giants at Darna at Ding) at Dyesebel. Nang maghiwalay sila ng landas ni Edgar Mortiz, ang kanyang perennial loveteam ay untiunting nagbago ang kanyang image. Itinambal si Vi sa mga artistang may edad sa kanya katulad nina Fernando Poe, Jr. sa Batya’t Palu-Palo at Bato Sa Buhangin, Joseph Estrada sa King Khayam & I, Dolphy sa Buhay Artista Ngayon, Eddie Rodriguez sa Nakakahiya at Hindi Nakakahiya Part 2, Chiquito sa Teribol Dobol, Jun Aristorenas sa Mapagbigay Ang Mister Ko, Romeo Vasquez sa Nagaapoy Na Damdamin at Dalawang Pugad Isang Ibon at Dante Rivero sa Susan Kelly Edad 20. Gumawa siya ng mature role katulad ng Burlesk Queen na dinerek si Celso Ad Castillo at isinali sa 1977 Metro Manila Film Festival at humakot ng halos lahat ng awards. Itong pelikula ding ito ang itinanghal na Top Grosser.

Sa 1978 Metro Manila Film Festival, ang Rubia Servios, na dinerek ni Lino Brocka naman ang kanyang ipinanlaban at marami ang humuhulang siya ang makakakuha ng Best Performer Award subali’t si Nora ang itinanghal na nanalo na may patutsada pa sa kanyang speech na… “mamay, mali ang hula.” Dinamdam ni Vi ng husto ang kanyang pagkatalo at nang mag-blow out si Manay Ichu Maceda sa Palamigan Restaurant na pag-aari niya (Manay Ichu) sa may Greenhills ay mahigit na isang oras silang nagkulong sa banyo at nag-iiyak. Bakit kaya mailap sa kanya ang acting award? Samanta, sa tv program ni Joe Quirino na Seeing Stars with JQ ay sinabi niya (JQ) na si Vilma Santos ang kanyang ibinoto bilang Best Performer (si JQ ay isa sa mga jurors sa MMFF). Noon ngang manalo si Nora ay si Vilma ang binati ni Eddie Garcia, ang direktor ng pelikula ni Nora. Eniwey, after nang awards night ay vindicated (na naman) ang pelikulang Rubia Servios dahil pila balde sa lahat ng mga sinehan ang pelikulang ito, samantalang ang pelikulang Atsay ni Nora ay nangangamote sa takilya. Sa totoo lang, talagang pinagkakagastusan ng mga Vilmanians ang mga pelikula ni Vi dahil pag pasok nila sa isang sinehang pinaglalabasan ng pelikula ni Vi, titingnan lang kung puno ng tao tapos lalabas na at lilipat sa ibang sinehan. Ang mga Noranians naman ay may mga dalang pagkain sa pagpasok sa sinehang pinaglalabasan ng pelikula ni Nora at doon ay maghapong kakain at panonoorin ang pelikula ni Nora.

Sa huling bahagi ng Dekada ’70 ay nakapag-produce si Vi (VS Productions, Inc.) ng mga pelikulang Pagputi Ng Uwak Pagitim Ng Tagak, Halik Sa Paa Halik Sa Kamay, Mga Rosas Sa Putikan, Apoy Sa Ibabaw Apoy Sa Ilalim, Coed at iba pa. Ang klasikong pelikulang Pagputi Ng Uwak Pagitim Ng Tagak na dinerek ni Celso Ad Castillo ay naging Best Picture sa Urian at FAMAS Awards nang taong 1978. Taong 1978 din nang mabalitang may Betamax sina Vi at Romeo Vasquez pero ito ay hindi napatunayan. As a matter of fact, sinabi ni Manay Ichu Maceda na kung sino man ang makakapagbigay sa kanya ng Betamax copy ay bibigyan niya ng pabuyang Php 1,000,000 pero walang nangahas na makapagbigay. Sa totoo lang din, ang Betamax issue na ito ang lalong nakapagpaningning ng bituin ni Miss Vilma Santos. Taong 1980, sa FAMAS awards, may nakapagsabing si Vilma Santos daw ang nanalong Best Actress para sa pelikulang Langis At Tubig pero ito ay may bura at napatungan ng ibang pangalan. Si Dindo Fernando ang presentor sa Best Actress at ibinigay pa nga niya kay Vi ang nasabing papel. Sa 1981 Metro Manila Film Festival, humakot ng maraming awards ang pelikulang Kisapmata nina Charo Santos, Jay Ilagan at Vic Silayan. Sa tatlong artistang nabanggit si Charo lang ang hindi nanalo. Si Eddie Rodriguez ang presentor ng Best Actress Award at ganito ang pagkakasabi niya:.”and the winner is…your favorite and mine…Miss Vilma Santos para sa pelikulang Karma.” Nagwala si Jay Ilagan dahil sa hindi pagkakapanalo ni Charo. Si Chanda Romero, na isa sa mga kasama niya sa nasabing pelikula ang tumanggap ng award para kay Vi dahil hindi nakadalo si Vi at ganito ang naging dialog ni Chanda…”mabuti pa si Vi, may Edu na, may Lucky pa (dahil kapapanganak lang ni Vi kay Luis) at may best actress award pa.”

Kinabukasan, lalong pinilahan ang pelikulang Karma. Kasama ko ang aking mga kaibigang pumila at nanood ulit ng Karma sa dating Quad (ngayon ay Glorietta 1 na) sa Makati City. May isang babaeng nakapila sa likuran namin ang nagsalita ng… “pinipilahan na naman ang Best Actress.” Dahil dito ay ilang taong din siyang naging Reyna ng Takilya pero iba’t iba ang hari katulad nina Fernando Poe Jr, Eddie Rodriguez, Dolphy at Ramon Revilla. Sa pagsapit ng dekada ’80 ay dumating sa kanya ang isa sa pinakamalaking dagok sa kanyang buhay dahil hindi niya namalayan na baon na pala siya sa utang. Si Manay Ichu Maceda at Atty. Esperidion Laxa ang kanyang naging adviser. Gumagawa siya ng pelikula nang hindi sumasayad sa kanyang palad ang mga kinita niya dahil deretso agad ito sa bangko. Kapapanganak pa lang noon niya kay Lucky subali’t naging hit sa takilya ang kanyang mga pelikula katulad ng Ex-Wife, Hiwalay, Pakawalan Mo Ako, Karma, Relasyon, Sinasamba Kita, Gaano Kadalas Ang Minsan, Paano Ba Ang Mangarap? at Adultery: Aida Macaraeg Case No. 7892 Noong Dekada ’80 pa rin, si Vi lang ang tanging artistang nakakuha ng may pinakamaraming acting at box office awards. Matatandaang si Vi ay nakakuha ng tatlong sunod-sunod na Best Actress award mula sa Urian (1982, 1983 at 1984) sa mga pelikulang Relasyon, Broken Marriage at Sister Stella L. Nakakuha rin siya ng apat na Best Actress Award mula sa FAMAS (1981, 1982, 1987 at 1988) sa mga pelikulang Pakawalan Mo Ako, Relasyon, Ibulong Mo Sa Diyos at Tagos Ng Dugo dahilan para nang sumunod na taon ay tanghalin siyang Hall of Famer sa FAMAS. Si Vi pa rin ang kaunaunahang Best Act ress awardee ng Film Academy of the Philippines para sa pelikulang Relasyon, kung saan si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos ang nagabot ng tropeyo kay Vi. Ilang box-office awards din ang >>nakuha ni Vi at siya pa din ang kauna-unahang Hall of Famer Box Office Queen. Si Vi pa rin ang kauna-unahang Grand Slam Queen ng Best Actress kung saan sa kanyang tv show na Vilma In Person ay binigyan siya ng Walis award dahil winalis niya lahat ng Best Actress award sa iba’t ibang award giving bodies noong 1983. Sa huling bahagi ng dekada ’80 at sa pagpasok ng Dekada ’90, ang kanyang Vilma Show ang isa sa pinakamatagumpay na tv show sa buong kapuluan. Palagi itong number one sa tv rating at si Vi ang highest paid tv star noong mga panahong yun. Binigyan siya ng Star Awards ng Best Musical Variety Show Host at ang Vilma Show ay ilan ding beses nanalo ng Best Musical Variety Show. Sa Catholic Mass Media Award, ang Vilma Show ay binigyan ng Hall of Fame at nanalo din ito ng Golden Dove Award at naging isa sa finalists sa US TV awards.

Sa personal na buhay ni Vi ay naging Mrs. Vilma Santos Recto siya noong December 11, 1992. Libu-libong tao ang sumugod sa Sa San Sebastian Cathedral, Lipa City para saksihan ang pag-iisang dibdib nina Vilma at Ralph. Ang kasalang Vilma at Ralph ay isa sa masasabing Wedding of the Year dahil laman sila ng iba’t ibang magasin at pahayagan nang sumunod na araw. Sa acting awards naman, isang dekada din bago naagaw kay Vi ang Grand Slam Best Actress at ito ay nakamit ni Lorna Tolentino para sa pelikulang Narito Ang Puso Ko subali’t nang sinundang taon ay nabawi agad ni Vi kay Lorna ang Grand Slam Best Actress (pangalawa na ito ni Vi) dahil sa pagkakamit niya ng awards mula sa Famas, Star, Urian at Film Academy of the Philippines para sa pelikulang Dahil Mahal Kita: The Dolzura Cortez Story na dinerek ni Laurice Guillen. Mula naman sa Star awards ay nabigyan si Vi ng Darling of the Press at nasabi nyang ito ang isa sa pinakamimithi niyang award. Ang Quezon City Jaycees ay nabigyan din si Vi ng COYA award. Taong 1999, nang muling makuha ni Vi ang pangatlong Grand Slam Best Actress para sa pelikulang “Bata Bata Paano Ka Ginawa?” ng Star Cinema na dinerek ni Chito Roño. Ang “Bata Bata Paano Ka Ginawa?” rin ang una niyang International Best Actress award mula sa Brussells International Film Festival at nakakuha ng Special Jury award mula sa Asian Film Festival. Sa huling bahagi ng Dekada ’90 rin ay nagpasya si Vi na kumandidatong mayor ng Lipa City dahil na rin sa paghihikayat sa kanya ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Nanalo siyang mayor ng Lipa City at sa loob ng siyam na taong paglilingkod ay nagkaroon siya ng “legacy” sa kanyang mga constituents >>hanggang sa naging governor na siya ng probinsiya ng Batangas. Sa pagpasok ng bagong milenyo ay wala pa ring sawa ang pagkakamit niyang mga awards. Naging Box Office Queen si Vi noong taong 2000 para sa pelikulang Anak. Ang Anak ang number one box-office champion in terms of audience. Natanggap muli niya ang kanyang pangapat na Grand Slam Best Actress Awards mula sa pelikulang “Dekada ’70” na dinerek pa din ni Chito Roño. Sa “Dekada ’70” rin niya natanggap ang kanyang pangalawang international best actress awards mula sa Cinemanila Film Festival. Noong July 4, 2005 ay binigyan si Vi ng Gawad Plaridel Award mula sa UP College of Mass Communications. Si Vi ang pangalawang recipient ng Gawad Plaridel. Ilang beses din siyang ginawaran bilang Most Outstanding Mayor ng Lipa City mula sa iba’t ibang sektor. Talagang napakakulay ng buhay ni Vi, mula sa pagiging Trudis Liit, Darna, Dyesebel, Burlesk Queen, Sister Stella L, Dolzura Cortez, Baby Vi, Wonder Vi, Mayor Vi at ngayon naman ay Governor Vi. Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata ng kanyang buhay. Mabuhay ka Governor Vi! Isa kang ehemplo ng isang taong dapat idolohin hindi lang bilang isang mahusay na artista kundi isa ring tapat na public servant. We are proud of you! Bow!!! – Alfonso Valencia (READ MORE)

Related Reading:

Advertisements