Commitment Kay Vilma Ang Sister Stella L

Sino na bang artista ang nagsabing ang ginawa o ang ginagawa niyang pelikula’y para sa masa at hindi dahil sa pera? Sa hirap nga ng buhay ngayon, maaaring wala nang magsasabi niyan at magbubuwis ng hirap at pagod para sa kapwang naghihirap din dahil ang una mong maiisip ay ang magbigay ng aliw sa kanila, lalo na’t kung artista kang tagapaghatid lamang ng pelikula. Maaaring hindi ganu’n kalalim ang iyong pananaw, subalit kapag naranasan mo’t naramdaman ang paniniil ng anumang uri ng sistema sa kasalukuyan, makapagsasalita ka na rin. Kung dati’y pilipit ang iyong dila at hindi mo man lang maitaas ang iyong isang kamay ay matututo ka na rin sa lawak ng karanasan, kahit ang nagturo lamang sa iyo ay ang karakter na iyong ginagampanan.

Malinaw ngang tinutukoy namin ay si Vilma Santos, ang aktres, ang ina ng kanyang anak at maybahay ng kanyang asawa. Isang tatlumpung taon gulang at may mahigit labing limang taon na sa pelikula subalit nanantiling ordinaryong babaeng nakadarama ng paghihirap ng katawan at damdamin sa mga kinakaharap na problema sa araw-araw habang patuloy na naghihiyawan ang paligid ng, “Isulong ang Demokrasya at ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawang ginugutom at inaapi!” Malayung-malayo nga siya kung tutuusin sa masa at mga kababaehang hindi pinababayaan ang kanilang mga asawa sa paghahanapbuhay. Hindi nga siya humahawak ng plakard upang iparating kung anong nararamdaman niya, pero nakikita niya. Hindi man niya kanakalong ang kanyang anak sa lugar kung saan nagwewelgaý damang-dama niya ang damdamin ng isang ina kung gaano kasakit ang kalungin mo ang iyaong anak na nagugutom habang dumaraan sa harap mo ang mga mayayamang lalo pang nagpapayaman.

Alam na niyang lahat ‘yon dahil nababasa niya, nakikita’t naririnig, hanggang sa dumating nga sa buhay niya ang sandaling makaniig niya si Sister Stella L sa kapirasong papel. Sister Stella L, ang kuwentong hawak-hawak ni Vilma. Ini-offer sa kanya ng Regal Films, sa pagrirekomenda ni Mike de Leon, ang isa sa mga mulat na direktor ng pelikulang lokal. Marami siyang ginagawang pelikula, at hindi ito pagtupad lamang sa kontrata, kailangan ng masusing pag-aaral at konsentrasyon dahil ito nga’y naiibang papel. Hindi lang basta love story na tulad ng mga dati niyang ginawa. Walang paninigarilyo dito kapag nanginginig siya sa tensyon. Walang romansahan kapag madilim ang ilaw dahil ang kuwento’y maglalarawan ng buong kadiliman ng buhay sa ngayon, at si Sister Stella L ay nangangailangan ng sensitibong interpretasyon para kahit sa pelikula man lamang ay mabigyang solusyon ang mga problema.

Kailangan ngang mag-isip si Vilma dahil bilang Sister Stella L, siya ang magbibigay liwanag sa kuwento para buksan ang ilaw sa paligid at lutasin ang paggagapi ng mga naghahariharian sa isip at diwa ng mga aping manggagawa. “Sige, pag-iisipan ko,” sabi ni Vilma kay Mike de Leon nung hawak niya ang script at inilarawan sa kanya ng direktor ang kuwentong tatahakin niya. “Parang delikado,” pag-iingat ni Vilma. “Iba itong pelikulang ito. Talagang sa unang tingin, delikado talaga dahil hindi tayo sanay. Nasanay tayo sa mga love triangle. Pag-ibig din ang kuwento ni Sister Stella L, kaya lang, hindi lang sa sarili at hindi lang dalawang pso ang involved, ito’y pag-ibig sa pagtatanggol sa masa, sa mas nakararami,” paliwanang ni Mike. “Sino ba talaga si Sister Stella L?” tanong ni Vilma.

“Isa siyang di pangkaraniwang babae. Iba ang kanyang simulain. Iba ang kanyang ipinaglalaban. Isa siyang madre na hindi lang sa loob ng kumbento niya ikinulong ang kanyang sarili. Lumabas siya dahil naniniwala siyang bilang kristyano ay nararapat lamang na tulungan niya ang mga naghihirap sa kanyang paligid. Ang commitment o responsibilidad niya’y hindi lang sa bibliya at simbahan, kundi sa masa, sa mga manggagawang alam niyang nasa mga katulad niya ang paggabay di man makuha nang kaagad-agad ang solusyon sa problema,” paliwanag pa ni Mike at ng iba pang taong may kinalaman sa pelikula at nagmamalasakit kay Vilma. Matagal nga siyang nag-isip at ilang gabi siyang hindi pinatulog, pinag-aralan niya ang karakter ni Sister Stella L; ang kanyang kilos, ang kanyang pananaw at ang kanyang pagsasalita. Kung gaano katatag si Sister Stella L. ay unti-unti ring ginagapi ni Vilma ang kanyang kahinaan, hanggang sa may mabuong desisyon sa kanya.

“Maganda ang pelikula, sige, uumpisahan ko na. Hindi ko ito mararanasan kung hindi ko susubukan. Hindi ko ito mararamdaman kung babasahin ko na lang. Kailangang gawin para maisakatuparan,” paninindigan pa ni Vilma. “At hindi ‘yan magiging Sister Stella L, kung hindi ikaw ang lalabas at magbibigay buhay,” pagsuporta sa kanya ni Mike. “Walang ibang bagay diyan kundi ikaw dahil ikaw na mismo si Sister Stella L,” patuloy na sabi pa ni Mike. Ngumiti na lang si Vilma at gumiling na ang kamera. Nag-shooting sila sa gitna ng mga nagu-unyon at nagwe-welgang manggagawa. Hindi sanay si Vilma, nagtanung-tanong , nagmasid hanggang sa unti-unti’ymay natutunan na siya. Hindi na niya malilimutan ang karanasang ‘yon. Nung hawak niya ang plakard at dahan-dahang pagtaas ng kanyang nakakuyon na kamao at ang dahan-dahang paghulagpos ng kanyang mga pananalita galing sa pagsisikip na dibdib.

“Ngayon ay hindi na lang ako nagmamasid at nakikinig, kundi nasa gitna ako ngayon ng sitwasyon para maranasan pa ang mga problemang pilit na inihahanap ng solusyon. Hindi ako titigil hangga’t hindi naipag lalaban ang lahat ng sinimulan ni Ka Dencio,” isang linya ni Vilma sa pelikula nang mamatay ang leader ng unyon na kinasasaniban niya. Hanggang sa nakatagpo niya si Sister Stella L. Sister Stella na tao, hindi ‘yung nasa papel. Nagkamay sila, nag-usap. Hindi na nga nakapagtataka dahil pareho silang babae, madaling nagsalubong ang kanilang mga utak. Malinaw, maraming natutunan si Vilma sa aral ni Sister Stella L at dahil sa kanya, nagmulat at tumaas pa nang tumaas ang pananaw ni Vilma. “Ang pakikibaka sa buhay at sa kasalukuang sistema’y isang malaking commitment at walang katapusang pakikibaka. Hindi masu-solve ang problema ngayon ng ganun lang at madalian, maari itong ipagpatuloy pa ng mga susunod na henerasyon,” paalala ni Sister Stella L kay Vilma.

‘Yon nga ang natanim sa isip ni Vilma, kaya roon ay inisip na rin niyang hindi lang pangkaraniwang pelikula ang ginawa niya. Kung commitment nga ang buhay ni Sister Stella L, commitment din ang pagbibigay buhay niya sa papel na ‘yon. Hindi lang pansarili, hindi lang bread trip, kundi pagiging makabuluhan na alam niyang dadalhin niya sa buhay niya kailanman. – Ronald C. Carballo, Movie Flash Magazine, 19 July 1984, reposted by: Pelikula Atbp (READ MORE)

Si Pete Lacaba, Ang Pelikula, Si Sister Stella L.

This slideshow requires JavaScript.

Una kong nakapanayam si Pete Lacaba noong isang taon matapos kong mabasa ang kanyang librong antolohiya tungkol sa makulay na dekadang setenta, and Days of Disquiet, Nights of Rage. Isang panahong nakaukit lalo an sa isipan ng mga anak ng tinatawag na First Quarter Storm, ang libro ay isang mapanuring testamento sa isang di makalimutang bahagi ng ating kasaysayan, sa paningin ng isang peryodista. Kung paano nailimbag ito sa kasalukuyang panahon ng kadiliman ay isang magulong palaisipan. At ngayon naman, ay napag-alaman ko ring si Lacaba ay nasa pelikula na rin, at naitanong ko, bakit? Ang mga paliwanag ay nasa kanyang sarili na rin at hindi na dapat ungkatin.

Ngayong taon, si Lacaba ay nasa gitna pa rin ng pangamba at panibagong pakikihamok. Bilnag isa sa mga pinuno ng itinatag na Concerned Artists of the Philippines (CAP), siya ay nasa unahan ng mga alagad ng sining na mulat sa mga pangyayaring hindi maiiwasan. At ngayon ay bukambibig ang pangalan niya bilang manunulat ng mga pelikulang kontrobersyal dahil naglayong ipakita ang katotohanan sa ating lipunan, ang Sister Stella L. ni Mike de Leon at ang Bayan ko (a.k.a. Kapit sa Patalim) ni Lino Brocka. Sa panayam na ito, ating alamin ang mga nangyari sa pagsulat niya sa Sister Stella L at ang ibang saloobin niya rito. Hindi napag-usapan ang Bayan Ko dahil hindi pa ito naipalabas sa Pilipinas. Ang Sister Stella L ay tungkol sa isang madreng nagtatrabaho sa isang guidance counselling center na dahil sa pagsama niya sa kanyang kaibigang madre at siguro dahil na rin sa pansariling suliranin ay namulat sa isang malawakang suliranin ng lipunan. Tunay na nakakapanibago sa kasalukuyang takbo ng pelikula.

Paano nag-umpisa itong project na ito? “Nag-umpisa ito noong nag-iisip pa lang kami ng isang istorya para kay Vilma Santos. (Magugunitang si Vilma ang pinakamabiling artista noon at hanggang ngayon). Kasama namin si Marichu Perez-Maceda, ang prodyuser na kinakausap ni Mike de Leon. Ini-apply pa nga ito sa Film Fund. Ideya yon ni Mike na gawing kuwento ng isang madre. Sabi ko, wala akong alam diyan. Kaya nag-research kami. Una kong script ay tungkol sa isang madre sa probinsiya na nasangkot sa problema ng mga magsasaka. Hindi ito sinangayunan ni Marichu dahil hindi raw tinatanggap ng mga tao si Vilma kung ang karakter niya ay nasa probinsiya. Pinalitan ito ng isang madre sa siyudad na nasangkot sa suliranin ng mga manggagawa. Dahil sa mga sumunod na pangyayari, nabalita ang mga hulihan sa panig ng mga manggagawa at sa mga religious groups, naipasyang tanggalin ang anumang delikadong bagay sa script at gawin daw love story. (Maaalala ang ganitong linya sa pelikula na sinabi ni Liza Lorena, bilang editor ng isang magasin kay Jay Ilagan, isang peryodista). Nagkawalan na rin ng gana, hanggang sa napunta nga ang project sa Regal.”

May mga pagbabago ba sa orihinal mong iskrip na ginawa sa pelikula bukod sa mga sinabi mo na? “Hindi naman gaanong integral ang mga changes doon. Unahin sa mga karakter. Yung orihinal na karakter ni Jay ay isang doktor, ngunit dahil sa naging siyudad ang setting, binago namin sa isang peryodista. Sa tauhang mismong ito ay nagkaroon ng pagbabago. Tulad nang nagkaroon ng problema sa pagkuha namin kay Jay (dahil may contract sa Viva), pumalit si Joel Torre, so dapat mas bata kay Vilma. Kaya lang, noong tumagal, ipinasaya ni Mike na ibalik kay Jay. Sa karakter ni Jay, may mga eksenang ipinapakita ang kanyang kapatid na radikal at ang kanyang asawa at anak at sa pamilya naman ni Vilma, may mga dalawang eksena, pero ito’y tinanggal. Ang ending ay nabago rin. Originally, nagkaroon ng gulo sa strike area at napatay si Jay. Eh ang gustung-gusto ni Mike sa karakter na yon, ayaw niyang mamatay yon. May eksena ring nakunan na tinanggal sa final print dahil sa kahabaan, tulad ng mga counselling scenes sa Caritas.”

Sa pelikula ba, gaano ang totoo at ang hindi sa tunay na buhay? “Ang halos lahat ng nangyari roon ay hango sa istorya ng mga madreng aming nakapanayam. Masasabing si Siter Stella ay ang kabuuan ng iba’t ibang madreng aming nakausap. May isang madreng nagkaroon ng boyfriend at totoo yung sinabing binalak siyang kidnapin, isa ring madreng nagsawa sa counselling kaya lang lumabas siya sa kumbento, at siyempre, alam din nating may mga madreng nakikisangkot sa mga maggagawa. ‘Yong mga torture scenes nga ay totoong nagyari sa akin, at masahol pa roon. May nagsabi rin sa akin, si Niñez Cacho-Olivares, na walang reporter na ganoon magsalita sa kanyang editor. Ewan ko lang, pero kung naintindihan nating ang karakter ni Jay ay ganoong assertive at meron siyang naipahiwatig na background na may pagka-moderate activist, maaari niyang gawin iyon. Tsaka may close working relationship sila ng editor.”

Nasabi minsan sa isang interview ni Mike de Leon na ikaw raw ay instrumental sa kanyang politicizing. Ano ang masasabi mo rito? “Siguro naman hindi. Kasi, bago man lang kami nagkakilala, nalaman kong ginagawa na niya yong mga short films about rallies noong mga early ’70s. When he began working sa LVN, ginusto niyang mag-umpisa sa pinakamababang posistyon sa kompanya, e kanila yon. Doon pa lang, makikilala mo na kung anong klaseng tao si Mike. Siguro, mapapansin mo na rin na bago pa lamang nga kami nag-trabahong dalawa, ginagawa na niya yong Kakabakaba Ka Ba?, Kisapmata at ang Batch ’81, na aminin nating may mga temang sosyal o politikal. Siguro, masasabi kong lumalim lang ang kanyang pananaw o pag-unawa sa mga paksang ito. Nandoon na yon sa kanya.”

Paano kayo nagkasamang magtrabaho? “Nag-umpisa ito noong nilapitan niya akong gumawa kami ng isang pelikula. At binigay ko sa kanya ang natapos ko nang Kapit sa Patalim. Originally, it was intended for Lino (Brocka), pero sabi niya, hindi pa raw panahon. Kaya noong si Mike na ang nagtanong sa akin, ini-offer ko yon which was intended for Rudy Fernandez. Marami na ring nangyari sa project na yon, at hanggang naibalik nga kay Lino (at naipalabas sa Cannes ngayon taon).”

Ano ang mga kontribusyong ni Mike sa iskrip? “Sa kanya yong mga talumpati nina Vilma at Anita (Linda) sa katapusan ng pelikula. Suhestyon din niya ang paglaki ng papel ng editor, at ang pag-breakdown ng mga eksena ni Gina (Alajar) bilang Gigi. The role of Gigi was meant to counterpoint the labor problem. Other scenes could have been included which would highlight that Vilma has some success with her counselling job.”

May mga puna sa pelikula, tulad ng mga may pagka-talky raw ito? “Yeah, napansin din ng iba ito. I was worried that the film was becoming more talky as we went on, pero sabi ni Mike, talk is as important as the visuals.”

May pagka-claustrophobic daw ang effect ng pelikula? “I think it was deliberate. I can remember Mike telling our production designer, Cesar Hernando, to give a claustrophobic effect to the sets, particularly the interiors. With regard to the criticism na ang mga workers ay malilinis, ang masasabi ko, ang mga trabaharod sa isang factory ng cooking oil ay malilinis naman.”

Pagkapanood mo ng pelikula, anong bahagi ang nais mong pang baguhin? “Maaari kong dagdagan ang mga eksena sa Caritas na ipinapakita ang ibang alaga roon, at gusto ko ring ipakita ang relasyon ni Vilma sa kanyang pamilya. Kung tatanungin ako, na kung dapat inabuso pa si Vilma sa kamay ng mga goons, hindi yong totoo, wala pa naman akong nalalaman na ginagawa yon sa mga madre, sa aking pagkakaalam.”

Ano ang mga reaksiyon ng mga nanood na sa pelikula? “Generally positive. That is as far as the selected audiences where the picture was shown. Generally, sabi nila, masakit daw, nakakakonsyensiya daw, nakakagalit. May kanyang pala-palagay sa mga detalye.”

Personally, what is the merit of the film? “I hope it can change the perceptions of people with regard to certain realities, open their eyes probably. Well, the censors felt it was not subversive, not anti-government. Sana hindi mangyari sa pelikula ang ginawa nila sa pelikulang Sakada…Sana… – Mike Feria, Jingle Extra Hot Magazine, 06 July 1984, Reposted at pelikulaatbp.blogspot.ca, (READ MORE)

Hindi Pa Ako Kasal – Vilma

Ate Mers, please lang, o…pakilinaw mo naman sa kanila na hindi totoo ýung balita na kasal na raw ako. Kami ni Bobot. Ito ang parang batang sumbong at ungot ni Vilma nang makita kami sa set nila ni Jay ng “Tsimosang Tindera” sa may LVN. Iyan nga rin ang itatanong ko sana sa ‘yo e. Balitang balitang-balita, a. Na secretly married na raw kayo ni Bobot. Sa Cavite pa raw. Diyos ko, Ate Mers. Hindi totoo ýan. Iyan din nga ang itinatanong sa akin ni Mommy Cora (Mommy ni Jay) kanina. Kung kasal na raw ako. Naku, sabi ko hindi! Ow, baka naman totoo na nga. Ayaw mo pang aminin wala namang masama roon. Pati ba naman ako paglilihiman mo pa. “Well, kunsabagay, hindi na nga pala ako kasali ngayon sa mga taong pinatatapatan mo. Panghuhuli kong wika. Medyo drama effect ang sound. Take one baga. Ito talaga si Ate Mers, oo! Palibhasa’y wala na aksing panahon ngayon kay Vilma ‘tapos ako pa ngayon ang babaligtarin mo kaya nga ikaw ang sinasabihan ko nitong tsismis na kumakalat sa aking ngayon dahil hindi na kita itinuturing na iba. Para ipagtanggol mo ako. Pero iyon naman e, kung mahal mo pa si Vilma Santos. Kung hindi na, okay lang. Ganting drama naman nito.

Ooops, teka…teka. Drama na naman tayo niyan eh! Tuwing magkikita tayo, eksena na natin ‘yan. O sige. Serious na tayo muna. O, anong problema natin, Kid? Iyon na nga. Kalat na kalat na kasal na raw ako ngayon. Oo nga eh. At balita pa na husband and wife na raw kayo ni Bobot diyan sa bagong bahay n’yo sa may Fairview. Diyos ko naman, hindi totoo ‘yon. I swear. Maski mamatay man kaming lahat ngayon. Bakit hindi ko aamninin kung kasal na akong talaga e, wala namang masama roon? Ang kaso nga lang, hindi naman totoo e. Kung kasal na ako, ibubulgar ko, ba’t hindi. Hindi ko ikakahiya at itatago na nagpakasal ako sa lalaking mahal ko. Dahil para sa akin, to marry the man I love would be the greatest event in my whole life, so bakit ko ide-deny ‘yon? Okay…okay. Relaz, Kid. So hindi pa kayo kasal? Hindi pa talaga. Totoo ‘yan? Totoong-totoo. Honest. Ang hirap naman sa’yo, parang hindi mo ako kilala eh. Kabisado mo naman ako, di ba? Pero may plano na kayong pakasal sa taong ito? A, wala pa. Desidido pa ako ngayong magpakasawa sa pagiging dalaga. Isa pa, deeply involved ako ngayon sa aking movie career. E, ano ‘yung nabalitaan ko na ikakasal ka na raw sa Feb 4? Sinong nagsabi sa ‘yo niyan?

Wala. Basta ‘yan ang balita ko, e. Aw, come on. Alam ko may nagsabi sa ‘yo niyan. Sabi na naman sa ‘yong wala, e. Balita ko lang ‘yon. Ow, mayroon alam ko. Dahil isang tao lang ang pinagsabihan ko niyan. O, kita mo na. Di totoo nga ‘yung Feb 4. Hindi. Lokohan lang namin ‘yon. Nino? asked ko kunwari. Hus, kunwari pa raw ‘to e, alam ko namang alam mo kung sino. Dahil siya lang ang pinagsabihan ko niyan. Sino nga ba ‘yon? Sabihin mo. Si Jay sino pa. Talaga ‘yang Ilagan na ‘yan, makikita niya. O, ikaw ang nagsabi niyan, ha. Wala akong binabanggit na pangalan ni Jay. Hindi, ang totoo Ate Mers, lokohan lang naming dalawa ‘yon. Usapan pa nga namin double wedding kami, e. Sa Feb 4 nga. Hindi na. Ayaw ko. Nagbago na ng date si Jay. Sinabi niya sa amin sa February 14 siya pakakasal. Sa St. Andrew Church pa nga e. Hus, maniwal ka doon. Puro goodtime ‘yon. Stir lang ‘yon tulad nang wedding supposed to be ko sa Feb 4. Talaga ‘yang si Jay na yan, oo. So talagang hindi totoo ‘yung balita na kasal ka na? O, eto ka na naman. Sabi nang hindi…hindi and a thousang hindi. Hindi pa kasali ‘yon sa mga plano ko sa ngayon.

So, no wedding plans for you yet this ’73, ha? -paniniyak ko. Mahaba pa ang taong 1973. Ngayon pa lang tayo nag-uumpisa. Anything, can always happen kaya ayoko munang mag-comment. It depends. Malay natin. So, may possibility? U-hurmnnn. Ikaw talaga, Ate Mers, ha. Hinuhuli mo ako talaga ano. Kabisado na kita e. -At tumawa siya. Tawang Vilma Santos pa rin na kilala ko. ‘Yung Vilma na hindi artista. O, ngayon kid, anong gusto mong i-headline na natin dito. Basta sabihin mo na lang sa kanila, pag ikinasal ako, ibubulgar ko. Hindi ko itatago. Lahat makakaalam. Promise ‘yan. Please lang Ate Mers, ha. Ikaw na ang bahala. OO, ba. Basta ikaw. Hayaan mo. Bukas na bukas din, ihe-headline natin….Vilma Santos Ikakasal na sa Katapusan! Okaw ba ‘yon? Ano? pabigla nitong tanong. Sa katapusan…sa katapusan ng mundo! And what d’ya expect? Kurot. Tawanan. Habulan. Iyan lang naman ang ending ng usapan namin nang hapong iyon. But one thing is maliwanag na ngayon, ha? Hindi pa kasal si Vilma. Take my word okay? – Mercy S. Lejarde, Bulaklak Magazine, 05 February 1973, reposted by Pelikula Atbp (READ MORE)