Commitment Kay Vilma Ang Sister Stella L

Sino na bang artista ang nagsabing ang ginawa o ang ginagawa niyang pelikula’y para sa masa at hindi dahil sa pera? Sa hirap nga ng buhay ngayon, maaaring wala nang magsasabi niyan at magbubuwis ng hirap at pagod para sa kapwang naghihirap din dahil ang una mong maiisip ay ang magbigay ng aliw sa kanila, lalo na’t kung artista kang tagapaghatid lamang ng pelikula. Maaaring hindi ganu’n kalalim ang iyong pananaw, subalit kapag naranasan mo’t naramdaman ang paniniil ng anumang uri ng sistema sa kasalukuyan, makapagsasalita ka na rin. Kung dati’y pilipit ang iyong dila at hindi mo man lang maitaas ang iyong isang kamay ay matututo ka na rin sa lawak ng karanasan, kahit ang nagturo lamang sa iyo ay ang karakter na iyong ginagampanan.

Malinaw ngang tinutukoy namin ay si Vilma Santos, ang aktres, ang ina ng kanyang anak at maybahay ng kanyang asawa. Isang tatlumpung taon gulang at may mahigit labing limang taon na sa pelikula subalit nanantiling ordinaryong babaeng nakadarama ng paghihirap ng katawan at damdamin sa mga kinakaharap na problema sa araw-araw habang patuloy na naghihiyawan ang paligid ng, “Isulong ang Demokrasya at ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawang ginugutom at inaapi!” Malayung-malayo nga siya kung tutuusin sa masa at mga kababaehang hindi pinababayaan ang kanilang mga asawa sa paghahanapbuhay. Hindi nga siya humahawak ng plakard upang iparating kung anong nararamdaman niya, pero nakikita niya. Hindi man niya kanakalong ang kanyang anak sa lugar kung saan nagwewelgaý damang-dama niya ang damdamin ng isang ina kung gaano kasakit ang kalungin mo ang iyaong anak na nagugutom habang dumaraan sa harap mo ang mga mayayamang lalo pang nagpapayaman.

Alam na niyang lahat ‘yon dahil nababasa niya, nakikita’t naririnig, hanggang sa dumating nga sa buhay niya ang sandaling makaniig niya si Sister Stella L sa kapirasong papel. Sister Stella L, ang kuwentong hawak-hawak ni Vilma. Ini-offer sa kanya ng Regal Films, sa pagrirekomenda ni Mike de Leon, ang isa sa mga mulat na direktor ng pelikulang lokal. Marami siyang ginagawang pelikula, at hindi ito pagtupad lamang sa kontrata, kailangan ng masusing pag-aaral at konsentrasyon dahil ito nga’y naiibang papel. Hindi lang basta love story na tulad ng mga dati niyang ginawa. Walang paninigarilyo dito kapag nanginginig siya sa tensyon. Walang romansahan kapag madilim ang ilaw dahil ang kuwento’y maglalarawan ng buong kadiliman ng buhay sa ngayon, at si Sister Stella L ay nangangailangan ng sensitibong interpretasyon para kahit sa pelikula man lamang ay mabigyang solusyon ang mga problema.

Kailangan ngang mag-isip si Vilma dahil bilang Sister Stella L, siya ang magbibigay liwanag sa kuwento para buksan ang ilaw sa paligid at lutasin ang paggagapi ng mga naghahariharian sa isip at diwa ng mga aping manggagawa. “Sige, pag-iisipan ko,” sabi ni Vilma kay Mike de Leon nung hawak niya ang script at inilarawan sa kanya ng direktor ang kuwentong tatahakin niya. “Parang delikado,” pag-iingat ni Vilma. “Iba itong pelikulang ito. Talagang sa unang tingin, delikado talaga dahil hindi tayo sanay. Nasanay tayo sa mga love triangle. Pag-ibig din ang kuwento ni Sister Stella L, kaya lang, hindi lang sa sarili at hindi lang dalawang pso ang involved, ito’y pag-ibig sa pagtatanggol sa masa, sa mas nakararami,” paliwanang ni Mike. “Sino ba talaga si Sister Stella L?” tanong ni Vilma.

“Isa siyang di pangkaraniwang babae. Iba ang kanyang simulain. Iba ang kanyang ipinaglalaban. Isa siyang madre na hindi lang sa loob ng kumbento niya ikinulong ang kanyang sarili. Lumabas siya dahil naniniwala siyang bilang kristyano ay nararapat lamang na tulungan niya ang mga naghihirap sa kanyang paligid. Ang commitment o responsibilidad niya’y hindi lang sa bibliya at simbahan, kundi sa masa, sa mga manggagawang alam niyang nasa mga katulad niya ang paggabay di man makuha nang kaagad-agad ang solusyon sa problema,” paliwanag pa ni Mike at ng iba pang taong may kinalaman sa pelikula at nagmamalasakit kay Vilma. Matagal nga siyang nag-isip at ilang gabi siyang hindi pinatulog, pinag-aralan niya ang karakter ni Sister Stella L; ang kanyang kilos, ang kanyang pananaw at ang kanyang pagsasalita. Kung gaano katatag si Sister Stella L. ay unti-unti ring ginagapi ni Vilma ang kanyang kahinaan, hanggang sa may mabuong desisyon sa kanya.

“Maganda ang pelikula, sige, uumpisahan ko na. Hindi ko ito mararanasan kung hindi ko susubukan. Hindi ko ito mararamdaman kung babasahin ko na lang. Kailangang gawin para maisakatuparan,” paninindigan pa ni Vilma. “At hindi ‘yan magiging Sister Stella L, kung hindi ikaw ang lalabas at magbibigay buhay,” pagsuporta sa kanya ni Mike. “Walang ibang bagay diyan kundi ikaw dahil ikaw na mismo si Sister Stella L,” patuloy na sabi pa ni Mike. Ngumiti na lang si Vilma at gumiling na ang kamera. Nag-shooting sila sa gitna ng mga nagu-unyon at nagwe-welgang manggagawa. Hindi sanay si Vilma, nagtanung-tanong , nagmasid hanggang sa unti-unti’ymay natutunan na siya. Hindi na niya malilimutan ang karanasang ‘yon. Nung hawak niya ang plakard at dahan-dahang pagtaas ng kanyang nakakuyon na kamao at ang dahan-dahang paghulagpos ng kanyang mga pananalita galing sa pagsisikip na dibdib.

“Ngayon ay hindi na lang ako nagmamasid at nakikinig, kundi nasa gitna ako ngayon ng sitwasyon para maranasan pa ang mga problemang pilit na inihahanap ng solusyon. Hindi ako titigil hangga’t hindi naipag lalaban ang lahat ng sinimulan ni Ka Dencio,” isang linya ni Vilma sa pelikula nang mamatay ang leader ng unyon na kinasasaniban niya. Hanggang sa nakatagpo niya si Sister Stella L. Sister Stella na tao, hindi ‘yung nasa papel. Nagkamay sila, nag-usap. Hindi na nga nakapagtataka dahil pareho silang babae, madaling nagsalubong ang kanilang mga utak. Malinaw, maraming natutunan si Vilma sa aral ni Sister Stella L at dahil sa kanya, nagmulat at tumaas pa nang tumaas ang pananaw ni Vilma. “Ang pakikibaka sa buhay at sa kasalukuang sistema’y isang malaking commitment at walang katapusang pakikibaka. Hindi masu-solve ang problema ngayon ng ganun lang at madalian, maari itong ipagpatuloy pa ng mga susunod na henerasyon,” paalala ni Sister Stella L kay Vilma.

‘Yon nga ang natanim sa isip ni Vilma, kaya roon ay inisip na rin niyang hindi lang pangkaraniwang pelikula ang ginawa niya. Kung commitment nga ang buhay ni Sister Stella L, commitment din ang pagbibigay buhay niya sa papel na ‘yon. Hindi lang pansarili, hindi lang bread trip, kundi pagiging makabuluhan na alam niyang dadalhin niya sa buhay niya kailanman. – Ronald C. Carballo, Movie Flash Magazine, 19 July 1984, reposted by: Pelikula Atbp (READ MORE)