Kung Talagang Siya Ang Kapalaran Ko

Pinasyalan namin si Vilma Santos sa set ng isang pelikula niyang ginagawa. Noo’y nilalagyan ng make-up si Bobot, Kaya nakapag-usap kaming mabuti ni Vi. Nang tawagin sa set si Bot, lumapit ito kay Vi para itanong kung tama na ang suot niya. Medyo hindi gusto ni Vi ang ayos ni Bot kaya pinapalitan niya. Agad namang pinalitan ni Bot. “Ang sweet talaga!” Tukso namin kay Vi. “Nagtatanong siya, siyempre, sasabihin ko ang nasasaloob ko, hindi ba tama?” Ani Vi na kumindat pa. “Tumpak!” Sagot naming may himig panunukso pa rin. Playback ni Bobot ang kukunang eksena. The First Time Ever I Saw Your Face ang awiting kanyang kakantahin sa eksenang iyon. Nang magsimulang gumiling huminto si Vi sa pakikipagusap sa amin. Masusi niyang pinagmasdan ang bawat kilos ni bobot. “Malaki na yata ang ipinangayayat ni Bobot!” Puna namin. “Talagang malaki na,” aniyang parang nagmamalaki pa. “Kailangang mamayat siya…napakatagal na siyang nagre-reduce.” “Pero may balita kami, Vi…na kung ikaw ang masusunod ay ayaw mo raw mag-reduce si Bot.” “Naku, hindi tutoo yan!” aniya, “Sabi ko, ang mukha niya, hindi na dapat i-reducepa. Pero ang kanyang katawan, lalo na ang kanyang tiyan, e dapat pang mabawasan.

Bakit daw naman kaya babawalan ko siyang mag-reduce?” “Kasi raw, kung payat na si Bot, magkakaroon siya ng appeal sa ibang babae. Natatakot ka raw na dumating ang sandaling ‘yon.” “Ay, naku, bakit ako matatakot? Di Ba lalong mabuti sa may magkagusto sa kanyang ibang babae, para naman magkaroon siya ng pagkakatong makapamili? Sa gayon, mapatutunayan niya kung talagang ako nga ang love niya?” Pinagmasdan namin si Vi. Binabakas namin sa kanyang anyo ang kataimtiman ng kanyang sinabi. “Hindi ba kayo naniniwala sa aking sinabi?” Tanong niya sa amin. Ngunit kami, “Gusto mo bang maniwala kami na hindi ka selosa?” Hindi ko maaaring sabihin na hindi ako selosa…natural lang ‘yon, lalo na sa isang babae, pero hindi naman nangangahulugan na lubusan ko nang puputulin ang pagkakataon ni Bot na makatagpo ng ibang babae dahil lamang sa pagseselos ko. Aba, selfishness na ‘yan. At hindi ako ganyan.ka-selfish.” “Naniniwala ako,” patuloy ni Vi, “Na kung kami’y talagang magkapalad…ihalo man siya sa isang grupo ng puro babe ay sa akin pa rin siya mauuwi.” Napansin namin, tuwing matatapos ang take ni Bot ay pangiti itong sumusulyap kay Vi, na ginagantihan naman nito ng higit na matinding ngiti. Talagang lagi silang sweet sa isa’t isa…maisipan pa nga kaya naman ni Bot na palitan siya? – Irene Diaz Castillo, Love Story Illustrated Weekly Magazine, No. 71, 02 Feb 1973

Edgar “Bobot” Mortiz (born September 8, 1954) is a Filipino movie/TV actor and director. Mortiz is married to Millette Santos (born 1960; sister of Charo Santos-Concio) on April 3, 1977, with 4 children: Edgar Francis “Frasco” (born 1978), Edgar Albert “Badjie” (born 1980), Ma. Carmela Catalin “Calin” (born 1981) and Ma. Frances Camille (born 1983). Frasco, Badji and Camille are now married giving Edgar five cute grandchildren named Joaquin Edgar, Julien Alva, Edgar Carlos, Jayla Sophia and Francis Marcus. – Wikipedia (READ MORE)

Ang Pinakamahirap na Pelikula ni Vilma!

Sa paggawa ng pelikula, kung maringgan man ng pagdaing si Vilma Santos ay bihirang-bihira. Nangyayari lang ito kung ipagpalagay nating siya’y may dinaramdam, hapong-hapo at talagang hindi na makaya ng katawang humarap sa kamera kahit ibigin niya. Gayon man, kung nagkataong napakahalaga ng eksena at kinakailangang gawin niya, kahit anong sama ng pakiramdam niya’y humaharap siya sa kamera. At sa pagtungo niya sa set o location, lagi siyang nasa oras. Kung maatraso ma’y saglit lang. Ganyan ka-professional si Vilma Santos. Ngunit sa Lipad, Darna, Lipad ay dumaraing siya. Hindi sa hindi siya enjoy gawin ito. Ang tutoo’y sa pelikulang ito lang siya na-involved. Ibig na niyang matapos na ito’t makita ang pinagpaguran niya. Talaga palang mahirap gumawa ng costume picture. Lalo pa’t kung tulad nito! Una, ang naging suliranin namin ay ang Darna Costume ko. Kasi, kinakailangang maging maliksi ang kilos ko bilang Darna, kaya kailangang alisin na ang padding. Kaso nga, lilitaw naman ang malaking bahagi ng aking katawan. Mabuti na lang at sumang-ayon ang aking fans.

“Pangalawa, nag-aalala ako sa mga eksenang bakbakan namin nina Gloria Romero, Celia Rodriguez, Liza Lorena. Kasi, baka masaktan ko sila nang di sinasadya. “Ang pangatlo ay ang likas na pagkatakot ko…sa mga ahas. Kasi, may bahagi roong tungkol sa Babaing Ahas, si Valentina. Dito, laging kinakailangan ang ahas sa mga eksena. Mga sari-saring ahas. Maliliit at malalaki. At makamandag! “Ang pinakamahirap sa lahat ay ang pagsu-shooting. Kailangan naming tapusin ito anuman ang mangyari. Kaya nasasagap ko ang lamig ng gabi at init ng araw. At ang suot ko nga’y labas ang malaking bahagi ng katawa! At alam n’yo namang kailan lang ay na-ospital ako dahil sa respiratory defects! Ito ang mga daing ni Vilma Santos sa pinakamahirap niyang pelikula, ang Lipad, Darna, Lipad. Ngunit mahihinuha naman ninyo na ang pagdaing niya’y parang palalambing lang. Dinaraan pa nga niyang lahat sa biro. Pagka’t ang tutoo, mahal na mahal niya ang pelikulang ito. Dahil ito nga ang pinaka-mahirap. At sa isang artista, kung alin ang pinakamahirap ay siya namang pinakamasarap! – Cleo Cruz, Love Story Illustrated Weekly Magazine, No. 78, 23 Mar 1973

Cleo Cruz was Vilma Santos’ publicist in the early part of her movie career. Vi normally calls her, “Mommy” or Mommy Cleo. Now retired from entertainment journalism, Cleo Cruz is reportedly now living in the United States. She referred Vi’s followers in many of her columns and articles as “Luvs.” – RV

Gusto Ko Munang Huminto sa Pag-aartista!

Walang duda na sa mga youngstars natin ay si Vilma Santos ang pinakaabala. Sabi nga sa lenguwahe ng pelikula ay kaliwa’t kanan ang kanyang ginagawa. Sa kasalukuyan ay magkasabay niyang ginagawa ang mga pelikulang King Khayam And I ng Tagalog Ilang-Ilang Production at Basta’t Isipin Mong Mahal Kita ng FGORSJ Productions. Sa una ay katambal niya si Mayor Joseph Estrada, ito ang kauna-unahang nilang pagtatambal. At sa pangalawa ay katambal naman niya ang kauna-unahang Grandmaster sa chess sa Pilipinas at sa buong Asya na si Eugene Torre. Bukod sa mga pelikulang ito ay may nakatakda pa siyang gawin sa ibang produksiyon. Sabi nga ni Mommy Santos, ang masipag at mabait na ina ni Vilma: “Si Vi ay naka-book na hanggang Marso ng susunod na taon.” Si Vilma ay tao lamang. May katawan, puso at damdamin. At ang katawan ng tao ay tulad din naman ng makina na kailangan ang pahinga. Pahinga? Nangangahulugan ito ng pansamantalang paghinto ni Vilma sa pelikula. Nang minsang makausap namin si Vi sa kanilang magandang tahanan sa Bel-Air, Makati, Rizal ay nabanggit niya ang hangad na kailangan niyang pahinga. “Gusto ko munang huminto sa paggawa ng pelikula,” nakangiti niyang wika.

“Bakit? Mag-aasawa ka na ba?” tanong ng sumusulat nito. “Naku, hindi!” Bigla ang kanyang sagot at medyo namilog ang kanyang magagandang mata. “Gusto ko lang magpahinga.” mabilis na dugtong ni Vi. “Kasi tingnan ninyo naman. Halos araw-araw na lang e trabaho. Kung wala ako sa set ng pelikula ay nasa set naman ako ng telebisyon. Nagti-taping. Kung wala namang taping e nasa radyo. At kung wala namang radyo eh balik uli sa pelikula.” Huminto saglit si Vi. Hinugot ang isang napakalalim na buntong hininga sa mayaman niyang dibdib. “Pero kahit na medyo pagod ako e enjoy naman ako sa aking gawain.” nakangiting wika ni Vi. Ang pahinga ay nasa isip na rin ng kanyang Mommy. At ito ay nasabi na niyang minsan sa amin. Ayon kay Mommy Santos, pagkatapos ni Vi ng kanyang mga gawain ay magbabakasyon “kami sa Hongkong. At kung may panahon pa eh baka magtuloy na kami sa Europe.” “Pero bago ako magbakasyon e kailangan tapusin ko muna ang aking mga obligasyon dito. Lalo na ang aking pelikula nang sa ganoon e may maiwanan akong pansamantala sa aking mga fans. Alam mo na. Mahal ko yata ang aking mga fans.” Nakangiti si Vi habang sinasabi niya ito. Kaya pagkatapos ng King Khayam And I at Basta’t Isipin Mong Mahal Kita ay malamang na umalis si Vilma at ang kanyang Mommy upang magbakasyon sa Hongkong at Europa. – Nonoy T. Sofranes, Love Story Illustrated Weekly Magazine, No. 162, 01 Nov 1973