Film Review: Young Love

Taong 1970. Gumawa si Vilma Santos ng dalawamput isang pelikula na puro musicals. Isa lamang ang nagawa niyang drama (Sapagkat Sila’y Aming Mga Anak). Nakakapagtaka dahil hindi naman siya singer. Marahil ito ay dahil sa love team nila ni Edgar Mortiz at ito ang “trend” ng panahong ito. Pito-pito kung gumawa sila ng pelikula ng panahong iyon kung baga dalawang pelikula ang pinapalabas nila sa loob ng isang buwan. Isa na rito ang pelikula ng Sampaguita Pictures, ang “Young Love” na tinampukan ni Nora Aunor, Tirso Cruz III, Vilma Santos at Edgar Mortiz. Mapupuna na ang pelikulang ito ay bida si Nora at Tirso at supporting lamang si Vilma at Edgar. Mula sa istorya ni German Moreno at screenplay ni Medy Tarnate ang “Young Love” ay puno ng nakakalokang sitwasyon at napakababaw ng mga eksena at diyalogo. Ang director nito’y si Tony Cayado. At ang mga sayaw ay sa ilalim ng choreography ni Lito Calzado. Hindi natin alam kung bakit tinawag na “Young Love” ang pelikula samantalang hindi naman ito tungkol sa pag-iibigan ng mga kabataan rito kundi tungkol sa singing contest na sinalihan nina Ditas Aunor (Nora Aunor) at Joey Cruz (Tirso Cruz III). Naging tabla ang resulta ng singing contest at ginawa silang mga mainstay singers ng television show. Matapos ng contest ay makikitang naghahabulan na si Ditas at Joey sa may mga puno ng niyog at makikitang nagliligawan rin sina Tere (Vilma Santos) at Buboy (Edgar Mortiz) sabay kanta ang apat ng “Young Love.” Sa tutoo lang ito lang ang eksena kung saan maririnig na kumakanta rin si Vilma at nakipagsabayan siya kay Nora. Sa tuwing papasok sa eksena si Bella Flores ay tili ito ng tili at laging sinisigawan si Ditas which was very typical ng mga contrabida nuong panahong ito and very irritating. Narito rin si Etang Discher na isang ulyanin na lola ni Tirso at Vilma. Pilit nitong pinapapunta si Tirso sa Australia pero laging niloloko nito ang matanda at sinasabing natapos na pala ang isang taon at nakabalik na raw ito mula Australia. Tapos nito’y makikita si Ike Lozada na kumakanta sa harap ng mga batang lansangan. Samantala si Bella Flores ay nakipagayos kay Tom Junes (Raul Aragon) upang sabotahin mismo nito ang show ng kanyang sariling pamangkin. Makikita ang nakakalokang sex scene ng dalawa. At ang sumunod na eksena ay ang drama scene ni Ate Vi. Dahil marahil sa walang eksena si Ate Vi na kumakanta ay binigyan siya ng sariling eksena at katapat ito ng maraming eksena ni Nora na kumakanta. Ito ay nang mahuli ni Ate Vi niya si Tom Junes at Bella Flores na nagse-sex. Takbo ito habang umiiyak. Makikita na dumating ito sa sariling bahay at sa kuwarto nito’y pinagsisira niya ang pictures ni Tom Junes kasama ng album nito. Devoted fan pala siya ni Tom Junes. Cut! Tapos na ang eksena ni Ate Vi. Pasok ang mga musical numbers, kanta ng ilang beses si Nora, Tirso, Edgar and Ike Lozada. Meron ding dance numbers, pero wala si Ate Vi sa mga dance numbers na ito. And then it’s the end. Napapakamot ako sa ulo.

Nakakaloka talaga. Makikitang hindi pinag-isipan ang istorya nito. Ginawa nilang i-showcase ang pagiging singer ni Nora Aunor. Kadalasan ang mga kanta niya ay mga version ng mga English popular cover songs at hindi original Filipino songs. Tulad ng “I Believe” at marami pang iba. Kung tutuusin ito ang trend nuon, ang mga kantang galing sa amerika. So much of the fact that lahat ng mga drum beaters ni Nora ay sinisigaw ang kanyang pagiging isang ulirang Filipina dahil sa kanyang pisikal na itsura. Pero mukha ka ngang dalagang Filipina pero pagbuka naman ng bunganga mo eh lumalabas mga kantang banyaga anong klaseng dalagang Filipina yan? Sa sobrang inpluensiya ng mga banyagang kanta ng kalagitnaan ng dekada 70 ay nagkaroon ng rebelyon sa ere ng mga radyo. Nauso ang Original Pilipino Music o OPM bilang sagot sa musikang dayuhan. Sumulpot ang mga musikerong Juan DeLaCruz, Hotdog, Cinderella, VST & Co., Sampaguita, Freddy Aguilar, Coritha, Mike Hanopol, at marami pang iba na ang mga kanta ay tagalog at pawang komposisyon ng mga Pilipino. Ang mga kanta ni Nora ay puro mga English kontradiksyon ng mga sinisigaw ng fans niya na isang imahen ng Filipino si Nora. Kung ang itsura man niya ay pilipinang-pilipina ang mga kinakanta naman niya ay – puro kanta ng dayuhan. Ito rin ang dahilan kung bakit wala siyang masasabing signature song dahil puro version niya lamang ang mga kantang ni-record ng panahong iyon. Samatala si Vilma Santos na hindi singer ay nagkaroon ng kanyang sariling signature songs bagamat English ang mga lyrics ng mga ito, original Filipino composition naman ang mga ito tulad ng “Bobby Bobby Bobby” at “Sixteen.” Kasabay nito’y ni-record din niya ang mga tagalog songs na “Isipin Mong bastat mahal kita,” “Bato sa buhangin,” at “Palong-palo.” Nang kalagitanaan ng dekada 70 ay kapunapuna na kaunti na lamang ang mga pelikulang kantahan at hindi na kumikita ang mga ito kung kaya mapupuna na nag-umpisa nang gumawa ng matitinong pelikula kapwa sina Nora Aunor at Vilma Santos.

Ang “Young Love” ay isang halimbawa ng pelikulang gawa ng unang bahagi ng dekada 70. Mabilisang gawa. Mababaw ng istorya at hitik ng mga musical numbers. Mayroon mga nakakatawang eksena tulad ng pagkanta sa mga burulan ng patay basta magkaroon lang ng eksena ng kantahan. Tutoo ito, may mga eksena na nagkakantahan sa ilalim ng punong kahoy. Mga sayawan, habulan, at ligawan sa mga beach at kahuyan. Nag-click ito sa mga tao nang unang bahagi ng dekada sitentat ngunit sinawaan rin ang mga tao at nang dumating na ang huling bahagi ng dekada ay nagbago ito. Dito dumating ang panahon na nagbago na ang imahen ni Vilma Santos at nag-umpisa na itong ungusan ang walang kawawaang pagkanta ni Nora sa mga basurang pelikula niya. Ang “Young Love” ay puno ng walang kawawaang musical numbers ni Nora Aunor. Puno rin ito ng mga eksenang nakakaloka na kahit na ang batang paslit ay magkakamot ng ulo at sasabihin ang “huh?” Kung hindi mo hahahanapin ang matinong istorya at ang hangad mo lang ay makita kung gaano kagaling kumanta si Nora Aunor kahit pa sa burulan ng patay tiyak na mage-enjoy ka sa pelikulang ito dahil maraming eksena rito si Nora na kumakanta ng walang kawawaang kantang dayuhan (Global Vilmanianswords). RELATED READING: Filmography: Young Love (1970)

Advertisements